SHOWBIZ NEWBIE MARK RIVERA CLAIMS CLAUDINE-PIOLO 2004 MOVIE MILAN WAS BASED ON HIS PARENTS' REAL-LIFE STORY

Base sa tunay na kuwento ng buhay ng mga magulang ni Mark Rivera ang istorya ng pelikulang Milan na pinagbidahan nina Claudine Barretto at Piolo Pascual na ipinalabas sa mga sinehan noong 2004.

PHOTO: Star Cinema

Nadiskubre namin ito nang personal naming nakapanayam si Mark sa Summit Hotel sa Annapolis sa Greenhills nitong Martes ng hapon, May 30, 2023.

Napag-alaman kasi namin na born and raised si Mark sa Italy kaya itinanong namin kung Italian o Pinoy ba ang kanyang mga magulang.

Pareho raw Pinoy ang mga ito, tubong-Batangas ang kanyang ina at Kapampangan nman ang kanyang ama.

At dito na niya isinawalat ang tungkol sa pelikulang Milan.

"They met there in Italy, and I don’t know if you’ve watched the movie Milan? That was the story of my parents!

"Piolo and Claudine, yes. It was from Star Cinema, that’s why I was able to meet ABS-CBN people when I was younger."

real story with slight changes

Masalimuot ang kuwento ng mga magulang ni Mark, tulad na nga ng napanood ng publiko sa nabanggit na blockbuster film.

Si Claudine ang gumanap sa papel ng ina ni Mark na noon ay isang domestic helper sa Milan.

"Cleaner, nagbebenta siya ng pagkain," pakilala pa ni Mark tungkol sa ina.

Ang ama naman niya (na ginampanan ni Piolo) noon ay hinahanap ang first wife nito sa Italy; si Iza Calzado ang gumanap sa naturang papel.

May medyo binago raw sa pelikula.

"Ginawa lahat yung kuwento sa Italy but in true [real] life, first it was Japan, then Saudi [Arabia], then Europe. But they made everything in one location."

Sa Milan pa rin naninirahan ang mga magulang ni Mark, siya ay narito sa Pilipinas dahil natagpuan niya ang kapalaran niya rito bilang isang artista at modelo.

PART OF HISTORY

"Just my dog," ang tumatawang sagot ni Mark nang tanungin namin kung sino ang kasama niya sa bahay rito sa Pilipinas.

Taong 2012 noong unang nagtungo si Mark sa Pilipinas.

Ang paglalaro ng football bilang miyembro ng grupong Azkals ang unang sinubukan ni Mark noon, pero sa showbiz siya mas pinalad.

Taong 2016 nang makapasa siya sa audition para sa Kapamilya show na Be My Lady nina Erich Gonzales at Daniel Matsunaga.

Ang papel ni Mark? Bilang isang football player!

Ang latest achievement ni Mark ay ang mapabilang sa Unbreak My Heart, ang maituturing na historical collaboration ng GMA-7 at ABS-CBN pati na rin ng VIU Philippines.

Kasama ni Mark dito sina Jodi Sta. Maria, Richard Yap, Eula Valdes, Joshua Garcia, Gabbi Garcia, Sunshine Cruz, Laurice Guillen, Will Ashley, at Dionne Monsanto.

Ginagampanan ni Mark ang papel na Jacob, asawa ng character ni Dionne Monsanto na si Queenie. 

Ano ang pakiramdam ni Mark na naging bahagi siya ng pinakaunang collaboration ng GMA at ABS-CBN?

"Actually nung umpisa hindi ko na-realize na it was this big project.

"History, ‘no, of the entertainment industry."

Kaya parte si Mark ng naturang history.

"I know, that’s why I’m very glad! And na-realize ko lang during the promo, during special screening, ‘Grabe itong project it’s really huge!

"I didn’t realize about that, two big networks," bulalas pa ni Mark.

Kuwento pa ni Mark tungkol sa kanyang character sa Unbreak My Heart, "I’m a Filipino trying to find luck in Europe, in Switzerland, with my wife Queenie played by Dionne Monsanto.

"And along the way, we meet Ms. Jodi Sta. Maria, si Rose, she’s looking for her daughter."

in awe of jodi

Tinanong namin si Mark kung ano ang pakiramdam na makatrabaho sa unang pagkakataon ang mahusay na aktres na si Jodi?   

"Wow! I was just observing pa lang yung preparation wala pa sa set, ibang-iba talaga paano siya mag-work. Yung preparation niya, nag-isolate siya.  

"Nag-isolate, like in character talaga, she wasn’t Jodi Sta. Maria anymore. Like from 9 A.M. to 9 P.M., she was Rose.

"So kahit even break, kini-keep niya pa rin yung character niya, hindi siya bumibitaw. And sobrang hirap, very challenging yun, effort. So sobrang respect ako sa kanya, sa work and craft, sa binibigay niya sa trabaho niya."

Si Joshua naman daw ay nakasama na niya dati sa The Good Son pero dito sa Unbreak My Heart ay hindi pa sila nagkakaeksena.

Hindi pa raw sila tapos mag-taping para sa nabanggit na serye, may mga kukunan pa silang eksena rito sa Pilipinas.

Ang mga nauna na nilang eksena ay kinunan sa Milan, Italy, at sa Lucerne, Switzerland.

Magtu-twenty six na si Mark ngayong Oktubre at mag-iisang taon nang talent ng ALV Artist Circuit ni Arnold Vegafria.

Kakatapos lamang ng kanyang sexy pictorial para sa Bench Body, mayroon din siyang tatlong taong kontrata sa Universal Records kung saan may ire-release siyang mga kanta na siya ang sumulat at umawit.

Kasalukuyan din niyang tinatapos ang pelikulang I Love Mati kung saan sila ni Shaira Diaz ang mga bida at may dalawa pang sisimulang pelikula si Mark.

2023-06-03T04:09:05Z dg43tfdfdgfd