BONG REVILLA ON BEAUTY GONZALEZ: "YUNG IMAGE NIYA, HINDI NAMAN NALALAYO SA AKING MAYBAHAY NA SI LANI."

Nagbabalik sa paggawa ng serye si Senator Ramon "Bong" Revilla Jr. sa pamamagitan ng Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis ng GMA-7.

"Well, I’m very, very excited," umpisang sinabi ni Senator Bong sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ibang miyembro ng press sa ginanap na mediacon ng kanyang show nitong May 26, 2023, sa Seda Hotel sa Quezon City.

Pinagsama-samang aksiyon, romance, at komedya ang seryeng Walang Matigas Na Pulis sa Matinik na Misis, kung saan makakasama ni Senator Bong sina Beauty Gonzalez and Max Collins.

Gaganap si Senator Bong bilang si Bartolome o Tolome, habang si Beauty naman ay ang kanyang asawang si Gloria.

Huling sumabak sa halos ganito ring genre si Senator Bong sa Idol Ko Si Kap na umere sa GMA-7 rin noong 2000 hanggang 2005.

Kagulat-gulat ring inamin ng actor-senator na kinakabahan siya sa muli niyang paggawa ng serye.

"Pero siyempre nandun pa rin yung kaba. Natural na sa akin yun. Pag hindi na ako kinabahan, mas natatakot ako nun. Pag kinakabahan ako, tiyak sasabihin ko maganda yung ginagawa natin."

Ang Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis ay sa direksyon nina Enzo Williams at Frasco Mortiz.

Pagtuloy ni Senator Bong, "I’m very thankful sa lahat ng bumubuo ng GMA, at sa ating mga direktor, direk Enzo and Frasco. Sa lahat ng mga bumubuo ng cast na talaga namang… of course, Beauty, ang galing-galing niya, nagampanan niya yung role niya bilang Gloria.

"And, of course, si Max, si Tiya Lucing, Ms. Carmi [Martin], ang galing din.

"Actually lahat sila nag-fit dun sa role. At siyempre, dalawang matigas na pulis ang ginawang pelikula, e, and then ngayon, ilalagay natin sa telebisyon, mapapanood ng mga tao.

"Hindi natin maiiwasan na iko-compare doon sa movie, pero sa tingin ko kung hindi man mapantayan, nalagpasan pa!

"So ganun, no? That’s why ninenerbiyos ako, nandun pa rin ang kaba, pero naniniwala ako na maiibigan ito ng ating manonood."

working with beauty gonzalez

Ang pelikulang Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis ay ipinalabas noong 1994, habang ang sequel nitong Yes Darling Walang Matigas Na Pulis 2 ay ipinalabas naman noong 1997.

Sa dalawang pelikula ay parehong ang misis ni Senator Bong na si Lani Mercado ang kanyang naging leading lady.

Ngayong si Beauty naman ang kanyang makakatambal, paano niya ilalarawan ang aktres, lalo't ito ang unang pagkakataong nagkatrabaho sila?

"Well napakagaling na artista! In fact, even yung image niya, hindi naman nalalayo sa aking maybahay na si Lani.

"Yung height niya, yung talino niya, yung galing niya, in fact si Lani pa nga ang pumili sa kanya, e," rebelasyon ni Senator Bong.

"At nakita ko talagang magaling siya, talagang, sa totoo lang, nakita niyo naman yung mga ginawa niya [sa trailer].

"Wala pa iyan, abangan niyo mismo kapag ipinalabas na tayo sa telebisyon."

Tinanong naman namin ang senador kung gaano kalapit ang pagkatao ni Tolome kay Senator Bong mismo.

"Actually itong istorya ng Walang Matigas Na Pulis, actually this is my life story," at tumawa si Senator Bong.

"Hindi… kung gaano kalapit? Base naman lahat ito sa first and second na ginawang movie, and then ito ngayong pangatlo, on television.

"So lahat, pero makikita mo naman yung iba-ibang attack naman na ginawa ni Beauty sa role ni Gloria. May ibang attack sa ginawa ni Lani, dito Bisaya siya [Beauty] so ibang klaseng dating, iba yung tapang niya rin, so iyon naman yung ibang dating."

Pagpapatuloy pa niya, "Alam mo ang pagkakalapit lang dun yung pagiging malapit din sa chicks."

At muling tumawa si Senator Bong habang naniningkit ang mga mata.

"Hindi… ahhhh feeling ko lang, trabaho lang ito, iipitin mo ako niyan," pagbibiro pa ni Senator Bong sa amin.

Kasama rin sa cast sina Kate Valdez, Kelvin Miranda, Nikki Co, ang baguhang Sparkle actress na si Angel Leighton, at si Raphael Landicho na napapanood rin sa Voltes V: Legacy.

Mapapanood din sa upcoming action-comedy series ang mga batikang aktor na sina Niño Muhlach, Jeric Raval, at Maey Bautista.

Mag-uumpisang umere ang Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis sa June 4, 7:50 ng gabi sa GMA-7.

2023-06-03T04:09:01Z dg43tfdfdgfd