ALLEN ANSAY, IN M.U. RELATIONSHIP WITH SOFIA PABLO?: "PARANG GANUN."

"Napakalayo," ang umpisang bulalas ni Allen Ansay sa tanong namin kung ano ang kaibahan ng papel niya sa Open 24/7 bilang si Al sa mga nakaraan na niyang proyekto sa GMA.

"Ang ugali dito ni Al is parang si Robin Padilla.

"So pati boses ko iniba ko. Yung boses ko medyo ihahawig ko kay Robin Padilla. Parang, ‘O ano na naman ang ginagawa niyo diyan? Halika nga kayo dito,’" pa-sample pa ni Allen sa amin habang ginagaya ang boses ni Robin.

"Parang ganun lagi," pagpapatuloy pa ni Allen na nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa mediacon ng Open 24/7 noong May 8, Lunes, sa Pin Wei Meeting Room ng Seda Vertis Hotel sa Quezon City.

DIFFERENCE FROM PAST ROLE

Kabaligtaran ng papel niya sa Luv Is: Caught In His Arms (na umere nitong Enero 2023) kung saan anak-mayaman siya na Ingglesero.

Sinabi pa nga rati ni Allen sa isang panayam na nahirapan siya sa mga linyahang Inggles sa Luv Is.

Read: Allen Ansay admits he's not fluent in English; struggles with his lines in new series

Mas gusto niya ang karakter niya ngayon sa Open 24/7 dahil puro Tagalog ang mga linya niya?

"Hindi, may mga English din po si Al.

"Kumbaga parang Robin Padilla siya pero may mga lines din na may English. Kasi pag andiyan si Kitty, bigla siyang nagiging maginoo, nagiging gentleman siya."

Si Kitty ay ang karakter ni Sofia Pablo sa Open 24/7.

"Kapag wala si Kitty, biglang barumbado na naman siya."

Gusto ba ni Allen ang medyo bad boy role na ibinigay sa kanya ng GMA sa Open 24/7?

"Ako gusto ko po kasi bagong challenge na naman ‘to sa akin."

Idolo raw niya ang aktor at ngayo'y senador nang si Robin Padilla.

"Kaya inaral ko talaga, kung paano siya tumingin, kung paano siya tumayo."

Pinapanood niya ang mga pelikula ni Robin.

"Iyon talaga yung perfect na panggagayahan ko kay Al para mabuo ko siya," sinabi pa ni Allen.

ALLEN AND SOFIA, M.U.?

Kinumusta naman namin kay Allen si Sofia.

"Happy kami ni Sofia," nakangiting sagot niya.

Sila na ba, may relasyon na ba sila? Ang tumawa ang inisyal na reaksyon ni Allen sa tanong namin.

"Natawa na lang ako!

"Hindi pa pero alam mo yun…" makahulugan niyang sagot.

O may MU na sila o mutual understanding?

"Parang ganun," pag-amin ng guwapong Sparkle male star.

"Pero ano. Iba na yung ano, kumbaga iba na yung pinagsamahan po namin. Hindi pa kami pero malay niyo, in the future, di ba?

"Kumbaga dahan-dahanin lang natin."

Ano ang pinakagusto niya kay Sofia?

"Yung personality niya kasi kung ano yung nakikita niyo sa TV kay Sophie, pag nakasama niyo sa totoong buhay, sa bahay niya, ibang-iba!

"Magugulat kayo kasi napakasimple niya lang, hindi siya mahilig mag-makeup pero yung napapanood niyo sa TV, wow! Parang laging naka-glam."

JUST SOFIA, NO ONE ELSE

Solid ang Sparkle love team nina Allen at Sofia; paano kung bigyan ng GMA si Allen ng ibang kapareha o leading lady sa isang proyekto, papayag ba siya?

"Hindi po ako papayag," ang diretsahang sagot ni Allen. "Kasi kumbaga, bago namin talaga nabuo itong love team na ‘to ang daming pinagdaanan nito.

"Kumbaga kami talaga yung bumuo nito and ayoko na kami rin yung sisira nito, kasi di ba… hindi naman po masama na sabihin na masaya ka pa sa love team mo, ayaw mo pang matapos.

"So hindi naman masamang mag-no kung may mangyayari mang ganun."    

Napapanood ang Open 24/7, na pinagbibidahan nina Vic Sotto (bilang Boss EZ) at Maja Salvador (bilang Mikaela), tuwing Sabado ng gabi pagkatapos ng Magpakailanman.

Kasama rin sa show ang Sparkle artists na sina Riel Lomadilla bilang Bekbek, Anjay Anson bilang Andoy, Kimson Tan bilang Kokoy, Abed Green bilang Fred, at si Bruce Roeland bilang Doe.

2023-06-03T08:08:58Z dg43tfdfdgfd